Paano nga ba maging imortal?
Sa totoo lang, malabo yun.
Singlabo yun ng smog sa EDSA.
Imposible ata yun, kasi nga lahat halos ay pwedeng magbago
o maglaho na parang boto.
Yung pwedeng palitan o takpan
sa isang iglap nag hindi mo man lang namamalayan.
Habang ika'y himbing
hindi mo alam na ika'y nilalansing
ng mga gagong balimbing.
Aakalain mo may mahika.
Hindi marururok ng iyong lohika.
Sa balis ng pangyayari,
walang makakapansin.
Parang yung kanta ng Rivermaya
na pinamagatang "Kisap Mata".
Paano nga maging imortal
at mabuhay nang habambuhay?
Paano pipigilan ang pagdating ng oras
para mamaalam nang walang pagaatubili at agam-agam?
Kailan ka magiging handa?
Ang pagiging imortal ay wala sa kung ano
o magkano ang iyong salapi.
Hindi bibilangin kung ilang tropeyo ang naka-display
sa iyong tukador o chinese cabinet.
Wala rin papansin kung gaano kakinang
ang mga medalyang ginto't pilak na isinakbit sa iyong leeg.
Walang halaga kung ika'y naging pabling o chicks noong iyong kabataan.
Ang pagiging imortal ay kung ano ang nasa puso mo.
Ang pagiging imortal ay nasa isip ng mga taong
minsan ay iyong nakasalamuha.
Ito ay nasa puso ng mga hinipo mong kaluluwa.
Ang pagiging imortal ay nasa kanta,
mga tula at bawat titik na iyong isinulat.
Ito ay nasa mga iginuhit mong larawan.
Nasa mga ngiti at pag-asa na iyong binitiwan.
Ito ay nasa mga salita na iyong sinambit, ibinulong o ipinaghiyawan.
Ito ay wala sa kung ano ang mayroon ka o kung ano ang nagkaroon ka
o kung ano ang iyong pangalan.
Hindi ito huhusga sa kulay ng iyong balat,
yari ng suot mong baro o lugar na pinanggalingan.
Ito ay susukatin sa kung ano ang iyong naibahagi,
sa kapwa, sa mundo.
Ika'y titimbangin hindi sa kung ano ka o kung sino ang iyong ninuno.
Simple lang,
babase ito sa kung paano ka nagpakasino.
No comments:
Post a Comment