Isang umaga, doon sa dalampasigan, nakita kita
Pagsilip ng araw sa pagitan ng mga labi ng ulap inaabangan ng ating mga mata
Dala-dala ang camera na nakasukbit sa leeg
Ika’y binati ko ng “magandang umaga”
Ngumiti ka rin naman at tayo ay naglakad sa kawalan
Ikalawang araw ng bagyo noon at sobrang lamig ng Hanging Amihan
Kaya doon sa isang lamesa, sa ilalim ng puno, mainit na kape ating pinagsaluhan
Nagsindi ng yosi, at sinimulang hithitin ito
Hanggang sa ang papel ay magliyab at tuluyang maging abo
Sobra ang galit ng dagat
Pati ang langit nangingidlat
Sa dalawang nagsusuntukang mga panginoon, lupa ang umaawat
Napakalakas ng hangin noon
Inihinto ang pagpalaot ng mga Bangka
Stranded ang mga biyahero sa mumunting isla
May mga bahagyang patak din ng ulan na parang nyebe
Sa bawat dampi tila puso’y dinuduyan; kaluluwa’y ipinaghehele
Sa sobrang lamig
Nanunuot hanggang buto
Pero hindi natin alintana
Kasi yung mga oras naging minuto
Yung mga minuto naging segundo
At yung mga segundo, sa kung paano at kung anong dahilan
Biglang naging parang wala ng bilang
Masaya ang ating naging kwentuhan.
Masarap din yung tawanan
Hagikgikan at aliwan.
Tapos sa isang iglap, kasabay sa pagbuka ng pinto ng kalangitan
Lumiwanag ang paligid
Saglit na huminto ang lahat
At bumilis ulit ang oras
Yung mga segundo na dati ay walang bilang, naging minuto
Yung mga minuto na kanina lang ay akala nating segundo, naging oras
Parang eksena lang sa pelikulang pinamagatang Cinderella
Mawawala bigla ang bida pagpatak ng alas dose
May pagkakaiba nga lang ng bahagya ang version natin
Sapatos ang naiwan ni Cinderella
Samantalang tayo, tayo mismo ang naiwan
Doon sa ere, sa isang sulok ng isla
Nakalambitin, parang pabitin
Pa-yummy, pero parehong bitin
Parang panaginip na hindi natapos
Alam mong maganda pero walang ending
Para din libro na hindi nasimulan
Nabasa mo hanggang glossary at index pero nilampasan mo ang Preface
Wala na ang bagyo
Lumipas na rin ang masamang panahon
Pinayagan na rin pumalaot ang mga bangka
Sakay ang ilang biyahero palayo sa mumunting isla
Pero tila kay lamig pa rin ng simoy ng hangin
Sinlamig ng iniwan nating dalawang tasa ng kape sa ibabaw ng lamesa
Payapa na ulit ang dagat
Sing-payapa ng mga upos ng sigarilyo nating nagkalat
Sa wakas, simula na ng wakas
At nagwakas na rin ang simula
Nag-uunahan ang mga tao
Papalabas doon sa teatro
Kasi pinatay na nga ang ilaw
Ibinaba na din ang tabing sa entablado
At sumigaw na si Direk ng PACK-UP!
No comments:
Post a Comment